Agosto 27, 2026, San Jose del Monte, Bulacan – Sa pangunguna ni Mayor Florida “Ate Rida” Robes, kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte ang mga pagbabagong iniulat ng Metro Pacific Bulacan Water (MPBW), kabilang ang mas mataas na produksyon ng tubig, mas mabilis na pagkukumpuni, at kapansin-pansing pagbaba ng mga reklamo. Ito ang mga malinaw na senyales ng unti-unting pagbuti ng serbisyo ng tubig sa Lungsod ng San Jose del Monte.
Iniulat ng MPBW sa isinigawang Water Forum noong Agosto 26, 2026, na sa loob lamang ng wala pang tatlong buwan na tumaas sa 135.19 million liters per day (MLD) ang average daily water production ng lungsod nitong Agosto, 10.5% na mas mataas mula sa naitalang 122.36 MLD sa ilalim ng dating operator na PrimeWater. Nakumpleto rin ng MPBW ang pagkukumpuni sa mahigit 600 sa 890 verified pipeline leaks na minana mula sa dating operator.
“Alam nating marami pa tayong kailangang gawin, at nauunawaan natin ang hinaing ng mga San Joseño na patuloy na nakararanas ng mahina o putol-putol na suplay ng tubig. Ang mahalaga, nagsisimula na nating makita ang resulta ng mga ginagawa sa water system ng lungsod. Patuloy nating babantayan ang rehabilitation at sisiguraduhing tuloy-tuloy ang trabaho hanggang mas maraming pamilya ang makaramdam ng pagbuti sa kanilang araw-araw na serbisyo ng tubig,” ani Mayor Florida “Ate Rida” Robes.
Ang pagtaas ng water production ay bunga ng patuloy na rehabilitation at corrective maintenance sa mga kasalukuyang water facilities, kabilang ang pagpapalit at pag-upgrade ng motor pumps at iba pang equipment. Sa Water Treatment Plants 1 at 2, tumaas ang pinagsamang produksyon mula 40 MLD tungong 55 MLD.
Muli ring pinaandar ng MPBW ang tatlong deep wells sa Francisco Homes–Guijo, Yakal at Kaypian, na nagbibigay ng 1,000 litro ng tubig kada araw, at nagtukoy ng 15 lokasyon para sa static water tanks upang madagdagan ang supply sa mga apektadong komunidad.
“Ang mga pagbabagong nakamit natin sa loob ng wala pang tatlong buwan ay nagpapakita ng ating pagsisikap na maibalik ang kakayahan ng sistema at mapabuti ang maasahang suplay ng tubig sa lungsod. Maramii pa ring kailangang gawin at patuloy nating aayusin at pagagandahin ang mga lumang pasilidad at maghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng San Jose del Monte,” ani Andrew B. Pangilinan, President and CEO ng Metro Pacific Water.
Upang matulungan ang mga lugar sa matataas na bahagi ng lungsod na patuloy na nakararanas ng limitadong supply, nagde-deploy ang MPBW ng hanggang 22 water tankers tuwing peak demand, na umaabot sa 110 biyahe kada araw at naghahatid ng hanggang 770 cubic meters ng tubig kada araw. Kaagapay nito ang 16 water trucks ng Pamahalaang Lungsod.
Kasabay ng mga operational improvements ang pagbaba ng mga reklamo. Sa kasagsagan ng problema sa tubig noong Hulyo 2026, nakatatanggap ang MPBW ng hanggang 12 hanggang 14 chats kada minuto, katumbas ng humigit-kumulang 17,280 hanggang 20,160 chats sa loob ng 24 oras. Bumaba na ito ngayon sa humigit-kumulang tatlo hanggang apat na chats kada dalawang minuto, o tinatayang 2,160 hanggang 2,880 chats kada araw, habang ang mga lehitimong concern at follow-up ay karaniwang nasa isa hanggang dalawang chats kada dalawang minuto. Pinalawak din ng MPBW ang customer service nito sa pamamagitan ng siyam na barangay clusters at mas mahabang operating hours ng hotline.
Nakakatuwa ang pagbaba ng bilang ng mga reklamo dahil ipinapakita nito na nagsisimula nang maramdaman ng ating mga kababayan ang epekto ng mga ginagawa nating intervention. Ngunit alam nating marami pa tayong kailangang ayusin. Ang ating layunin ay malinaw. Ito ay ang magbigay ng mas maaasahang serbisyo ng tubig para sa bawat San Joseño,” ani City Administrator Atty. Zaldy Mendoza.
Sinimulan na rin ng MPBW ang malawakang pipelaying works mula sa Tanawin Water Reservoirs hanggang Igay Road sa Barangay Sto. Cristo, na inaasahang magdadagdag ng 15 MLD ng treated water at magpapabuti sa reliability ng serbisyo para sa humigit-kumulang 15,000 kabahayan sa upland barangays at mga kalapit na lugar.
Inihahanda rin ng MPBW ang 960-meter pipeline project sa Minuyan Proper upang mapabuti ang water supply sa Sapang Palay area at ilang bahagi ng United Minuyan.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ang mga hakbang na ito ay nagpapakita ng paglipat mula sa emergency response tungo sa tuloy-tuloy na rehabilitation at pagpapabuti ng water system ng Lungsod ng San Jose del Monte. Patuloy ang trabaho tungo sa mas maraming tubig, mas maayos na serbisyo, at mas maaasahang water system para sa bawat San Joseño.
